Dawlah Islamiya sub-leader, 3 escorts patay sa sagupaan sa Maguindanao

NASAWI ang isang sub-leader ng Dawlah Islamiya Hassan Group at tatlo nitong escort matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Tapayan, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte noong Oktubre 16, 2026.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang suspek ay kabilang sa listahan ng mga most wanted person sa Maguindanao del Sur, kung saan nakapuwesto siya sa ikaapat na ranggo sa probinsiya.
inuugnay rin ang suspek sa pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, gayundin sa mga pagpatay, panununog at iba pang karahasan sa Maguindanao del Sur. Kinilala rin siyang sub-leader ng Dawlah Islamiya Hassan Group sa ilalim ng Alpha King Group.
Isinagawa ang operasyon batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng mga korte sa Cotabato City, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, at Iligan City, Lanao del Norte noong 2021 at 2023.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong destructive arson, direct assault, multiple frustrated murder, double murder, qualified direct assault with multiple attempted murder, at paglabag sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon sa ulat, pinaputukan umano ng suspek at tatlo nitong kasamang lalaki ang papalapit na operating team, dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad bilang pagtatanggol sa sarili. Nasawi sa palitan ng putok ang ika-apat na lalaki.
Narekober sa lugar ang isang assault rifle, tatlong kalibre .45 na pistol at isang improvised explosive device (IED).
Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Cotabato City Field Unit at Regional Special Operations Team ng CIDG Regional Field Unit 15, katuwang ang Regional Intelligence Unit 15, PNP Special Action Force, Armed Forces of the Philippines at lokal na yunit ng pulisya.
Sinabi ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na patuloy na tutugisin ng pulisya ang mga indibidwal na sangkot sa terorismo at iba pang mabibigat na krimen.


